UP NOAH 101: BFF Mo sa Bagyo, Baha, at Iba Pa

July 16, 2025

QUEZON CITY, Philippines – Sa isang bansang tulad ng Pilipinas na madalas tamaan ng bagyo, lindol, pagbaha, at iba pang kalamidad, napakahalaga ng pagkakaroon ng maaasahang impormasyon upang mapanatili ang kaligtasan ng bawat mamamayan. Isa sa mga makabagong inisyatibo sa larangan ng disaster risk reduction ay ang UP NOAH o Nationwide Operational Assessment of Hazards.

Ang UP NOAH ay ang sentro ng pananaliksik ng UP Resilience Institute (UPRI) hinggil sa mga panganib at kahandaan sa sakuna. Sa pamamagitan ng teknolohiya at agham, nagbibigay ito ng mga mapa, babala, at forecast na makatutulong sa tamang pagpapasya bago, habang, at matapos ang isang kalamidad.

Upang matukoy ang mga hazard-prone areas, lalo na sa pagbaha, gumagamit ang UP NOAH ng Impact-Based Flood Forecasting System na tumutok sa barangay-level risk. Ayon sa pananaliksik ng UP Resilience Institute, pinagsasama ng sistemang ito ang real-time rainfall data mula sa automated rain gauges at Doppler radar, at mga global numerical weather prediction models na iniaangkop sa lokal na kondisyon ng bansa.

Kalakip din ang paggamit ng Geographic Information Systems (GIS), topographical data, at hydrological models, pati na ang mga 100-year flood hazard maps upang maisagawa ang flood simulation. Pinoproseso ang mga datos na ito upang makabuo ng 24-hour localized rainfall and flood forecasts, pababa sa antas ng barangay. Sa pamamagitan nito, natutukoy hindi lamang kung gaano kalakas ang inaasahang ulan, kundi kung aling mga lugar ang maaapektuhan base sa kanilang geolohikal, urban, at populasyong katangian. Ito ay nagbibigay-daan sa mas epektibong pagbibigay ng babala at mas maayos na pagpaplano ng paglikas sa mga bulnerableng lugar.

Teknolohiya at bayanihan para sa mas ligtas na komunidad

Isa sa mga bagong inobasyon na gumagamit ng datos mula sa UP NOAH ay ang LyfSaver, isang mobile app at online platform na binuo ng Fyt Media sa pakikipagtulungan sa YesPinoy Foundation. Layunin ng LyfSaver na palakasin ang kultura ng bayanihan sa panahon ng sakuna sa pamamagitan ng teknolohiya. Ginagamit nito ang hazard maps at impact-based flood forecasts ng NOAH para magbigay ng mas tumpak na impormasyon at babala sa mga komunidad. 

Ang mga forecast ng NOAH ay bina-validate ng mga LyfSaver sa pamamagitan ng near real-time reports o photos ng aktwal na kalagayan sa kanilang lugar tulad ng taas ng baha o storm surge at pagkakaroon ng landslide. Sa ganitong paraan, pinagsasama ng LyfSaver ang agham at karanasan ng komunidad upang mas mapabuti ang disaster response.

Higit pa rito, ginagawang mas epektibo ng LyfSaver ang koordinasyon ng mga volunteer, local government units, at responders sa pamamagitan ng kombinasyon ng scientific data at crowdsourced information. Nagsisilbi itong live feedback loop sa infrastructure ng NOAH, na nagpapatibay sa layunin ng parehong proyekto: zero casualty at mas ligtas na komunidad.

Paano Gamitin ang UP NOAH?

Madali lamang gamitin ang UP NOAH. Sundin ang mga hakbang na ito:

1. Bisitahin ang kanilang website sa noah.up.edu.ph gamit ang iyong smartphone, tablet, o computer. Maari din i-download ang app.

2. I-search ang iyong lokasyon sa search bar upang makita ang mga datos na kaugnay sa iyong lugar—halimbawa, Quezon City, Cebu, o Davao.

3. I-explore ang hazard maps na nagpapakita ng mga lugar na mataas ang tsansa sa pagbaha, landslide, at storm surge. Maaari rin itong gamitin upang tukuyin ang ligtas na ruta sa panahon ng emergency.

4. Gamitin ang mga forecast tools para makita ang ulan, lebel ng tubig sa mga ilog, at iba pang kondisyon ng panahon na makatutulong sa maagang pagpaplano.

5. Tingnan din ang ang mga ‘Critical Facilities’ tulad ng ospital, paaralan, police stations, at evacuation centers, na ngayo’y 3-D na! Mas malinaw, mas handa, mas ligtas.

6. Basahin ang mga ulat at babala mula sa mga eksperto upang manatiling updated sa mga kasalukuyang banta

Bakit Mahalaga ang UP NOAH at LyfSaver?

Hindi maikakailang ang kaalaman ay kapangyarihan, lalo na sa gitna ng sakuna. Sa pamamagitan ng UP NOAH at LyfSaver, nagkakaroon ng access ang mga Pilipino sa mahahalagang platforms at information na maaaring makaligtas ng buhay. 

Libre at bukas para sa lahat ang paggamit ng mga ito para sa mga estudyante, guro, lokal na pamahalaan, volunteer, at ordinaryong mamamayan. Pinapatunayan ng mga proyektong ito ang kahalagahan ng agham, teknolohiya, at sama-samang pagkilos sa pagbubuo ng mas matatag na bansa.

Sa panahon ng kalamidad, ang pagiging handa ay hindi opsyon kundi responsibilidad. Gamitin ang UP NOAH at LyfSaver bilang gabay tungo sa mas ligtas, matibay, at matatag na kinabukasan. — fyt.ph