Sa puso ng Luzon, may isang lawa na hindi lang daluyan ng tubig, kundi daluyan ng buhay.
Ang Laguna de Bay, isa sa pinakamalaking lawa sa bansa, ay tahanan ng kabuhayan, irigasyon, kuryente, transportasyon, at libangan para sa milyun-milyong Pilipino. Para sa mga residente sa baybayin nito, gaya ng mangingisdang si Felipe Alberca mula Bay, Laguna, ang lawa ay hindi lang likas na yaman – ito ay alaala ng pagkabata, saksi ng kasaysayan, at haligi ng kabuhayan.
“Diyan kami binuhay ng aming mga magulang,” ani Alberca.
Ngunit nahaharap sa panganib ang lawa, na itinuturing na pangunahing lifeline ng mga komunidad na umaasa rito, ayon sa Living Lakes Biodiversity & Climate Project.
Ang dating masiglang lawa ay unti-unting namamatay dahil sa:
“Ngayon, mas marami na ang basura kaysa isda.”
—Felipe Alberca, Mangingisda sa Laguna
Ayon kay Alberca, nawawala na ang mga isda dahil sa mga basura gaya ng diaper, napkin, at iba pang mga plastik na galing sa mga pabrika at tindahan.
“Sobrang dumi ng [lawa] ngayon. Sa dami ng basura na mga plastik at kung ano-ano, napakarumi ng [lawa] ngayon kaya hindi na rin mabili ang isda gawa ng sobrang dumi na,” daing ni Alberca.
Sa bawat lumulutang na plastik at burak sa tubig, tila lumulubog din ang pag-asa ng mga nakadepende rito.
Ayon sa Laguna Lake Development Authority (LLDA), halos 80% ng polusyon sa lawa ay mula sa domestic waste — basura, wastewater, at kemikal mula sa kabahayan.
Nadadagdagan pa ito ng polusyon mula sa industriya, agrikultura, at transportasyon. Ngunit habang dumarami ang problema, may mga tugon ding hinahabi.
“Ito ‘yung mga anthropogenic sources natin, ano? … kung hindi siya properly managed – properly treated – possibly, ‘yung pathways niya is papunta sa environment natin. Even sa air, sa soil, tsaka sa water natin. So kailangan kasi may proper treatment dun sa mga waste natin,” paliwanag ni Dr. Janice Sevilla-Nastor ng School of Environmental Science and Management sa University of the Philippines Los Banos
Ngunit hindi lamang mata ang dapat gumising, may mga pollutant na hindi natin nakikita, ngunit maaaring malanghap, mainom, o makain, ani Sevilla-Nastor.
Ito ang mga emerging pollutants o mga kemikal mula sa mga gawaing anthropogenic o gawain ng mga tao – maaaring aktibidad na pang-industriya, pang-araw-araw, o pang-agrikultura.
Ang tinatawag na emerging pollutants ay mga micro-level na kemikal mula sa:
Bagamat maliit ang konsentrasyon ng mga ito, may posibilidad itong maipon sa lamang-dagat — at kalauna’y maipasa sa tao.
“Hindi pa natin kayang sabihin kung ligtas bang kainin ang mga produkto mula sa lawa…Pero may datos na nagsasabing kailangan nang bantayan ito.”
—Dr. Janice Sevilla-Nastor, UPLB School of Environmental Science and Management
Batay sa kasalukuyang pag-aaral, wala pang datos sa kung anong uri ng emerging pollutants ang nagbabanta sa Laguna Lake.
“We cannot say yet kung safe bang kainin or hindi ‘yung mga produce na nakukuha natin sa Laguna Lake,” ani Sevilla-Nastor.
May ilang datos kaugnay ng mga parameters na regular na mino-monitor sa Laguna de Bay ng LLDA, o Laguna Lake Development Authority. Batay rito, may itinatakda naman silang pamantayan, na may limitasyon o threshold pagdating sa mga pangunahing water quality parameters sa lawa na may direktang epekto sa mga aktibidad sa paligid nito, lalo na sa larangan ng aquaculture," paliwanag ng doktor.
Ang Laguna Lake ay itinalaga bilang Class C water na ligtas para sa aquaculture at recreation. Ngunit ang tubig mula rito ay hindi ligtas inumin kung hindi sumailalim sa water treatment.
Ang mga fresh water kagaya ng mga lawa, ilog, at reservoir ay itinatalaga bilang Class “AA,” “A,” “B,” “C,” at “D.” Ayon sa Department of Environment and Natural Resources o DENR, ang mga klasipikasyong ito ay gabay upang maayos na mapangalagaan ang tubig at matiyak na ligtas ito para sa mga komunidad na umaasa rito.
Sa harap ng lumalalang polusyon sa Laguna de Bay, hindi rin naman nananahimik ang mga institusyon. May mga umiiral nang mga mekanismo para tugunan ang krisis sa lawa. Ngunit gaya ng mismong tubig nito, maraming bahagi pa ang kailangang linawin, palalimin, at paigtingin.
Isa sa mga pangunahing hakbang ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ay ang pagpapatupad ng Environmental User’s Fee System, isang polisiya na nakabatay sa prinsipyo ng “Polluters Pay.”
Sa ilalim nito, sinisingil ang mga industriya at komersyal na establisimyento batay sa dami at klase ng wastewater na kanilang inilalabas sa lawa. Layon nitong:
Bagamat hindi perpekto at nangangailangan ng mas mahigpit na enforcement, ang EUFS ay nagsisilbing halimbawa ng polisiya na may potensyal kung ipapatupad nang maayos at patas.
Hindi lahat ng solusyon ay nanggagaling sa itaas. Ang programang “Abot Kamay para sa Laguna de Bay” ay isang community-based initiative ng LLDA na layong bawasan ang plastic waste sa lawa.
Kasama rito ang:
Bagamat lokal ang saklaw, ang epekto ng programang ito ay lumalawak sa kamalayan ng publiko at nagsisilbing modelo ng grassroots action.
Sa panig naman ng national government, ang Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau (DENR-EMB) ay nagpapatupad ng Water Quality Guidelines at General Effluent Standards sa ilalim ng DAO 2016-08.
Layunin nitong tiyakin na:
Subalit, gaya ng paliwanag ni Dr. Sevilla-Nastor, hindi pa saklaw ng kasalukuyang monitoring system ang mga emerging pollutants gaya ng microplastics, pharmaceutical residues, at synthetic chemicals.
Ang dahilan: mahal at teknikal ang proseso ng pag-monitor, at kulang pa ang siyentipikong datos upang mailatag ang pamantayan para sa mga ito.
Upang matugunan ang polusyon sa Laguna de Bay, kailangang maiparating ang mga panawagan sa mga establisimyentong pinagmumulan ng wastewater. Ayon kay Dr. Sevilla-Nastor, mahalaga ang malinaw at siyentipikong pagpapaliwanag sa mga pangmatagalang epekto nito – hindi lamang sa kalusugan ng tao, kundi pati sa kinabukasan ng lawa. Dito papasok ang kahalagahan ng pagpapahayag ng mga datos na “scientific-backed” at sa paraang madaling maintindihan.
Sa antas ng indibidwal at komunidad, importanteng maging responsable, lalo na pagdating sa ating mga basura, solid waste, at wastewater.
“At that level pa lang, kung alam na natin kung paano ‘yung proper [waste] management [and] disposal, hindi naman tayo nagkukulang kasi mayro’n namang mga initiatives, tapos mayroon din tayong guidelines for each municipality, even in barangay levels. So, let’s try to follow,” paalala ni Dr. Sevilla-Nastor.
Ngunit ayon pa rin kay Alberca, “Iyan ay talagang hindi na mapigil ang mga tao na [sa lawa] magtapon.”
Kaya’t tulad ng binigyang-diin ng mga eksperto, ang tunay na kontribusyon ay hindi lang pansamantala, kundi habambuhay, sa ating pang-araw-araw na buhay. — fyt.ph
Mga Sanggunian:
Panuelos, I. (2025, May 6). Dumadaloy, Lumilinaw (No. 1). Usapang Tubig. Radyo DZLB.
Cabading, V. (n.d.). Water Quality Management in the Philippines.
DENR. (2019, April 9). DENR classifies 35 more water bodies.
LLDA. (2018, May 4). Environmental Users Fee System (EUFS).
Earth Journalism Network. (2024, October 16). Poisoned Waters: Laguna de Bay’s Steady Crawl to Brink of Disaster.
Manahan, J. (2023). Laguna Lake “contaminated with microplastics”: study.
Living Lakes Biodiversity & Climate Project. (2023, May 11). Laguna de Bay.
Laguna Lake Development Authority (Official). (2022). Facebook.com.
US EPA, OW. (2014, September 2). Definition of “Contaminant”.
(This story was contributed by Florence Gayle Borja of the UP Los Baños Times, as part of Fyt for Change, Fyt Media’s Constructive Stories from Communities.)