Dalawang Bagyong ‘Sumasayaw’: Fujiwhara Effect Explained

July 23, 2025

QUEZON CITY, Philippines — Magkakaroon ng interaksiyon ang Tropical Storm Dante at Tropical Depression Emong, isang bihirang phenomenon na kilala bilang Fujiwhara Effect, ayon sa Pagasa.

Ano ang Fujiwhara Effect?

Ang Fujiwhara Effect ay isang meteorolohikal na phenomenon kung saan ang dalawang bagyo o low-pressure system na malapit sa isa’t isa ay nagsisimulang makaapekto sa kani-kanilang galaw. Kapag naglapit ang kanilang mga sirkulasyon, umiikot sila sa paligid ng isa’t isa —  parang dalawang mananayaw na umiindayog sa iisang entablado ng kalikasan.

Depende sa kanilang lakas at distansya, maaaring:

  • hilahin ng isa ang isa pa,
  • baguhin ang direksyon ng galaw,
  • magpalakas ng ulan o hangin,
  • o kahit magsanib sa iisang mas malakas na sistema.

Ipinangalan ang phenomenon kay Sakuhei Fujiwhara, isang Japanese meteorologist na unang naglarawan nito noong 1921. 

Karaniwan itong nangyayari sa kalagitnaan ng tag-ulan o sa kasagsagan ng typhoon season, lalo na kung may dalawang tropical cyclone sa loob o paligid ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Pepeng-Melor Interaction

Ayon sa pag-aaral ng National Research Institute for Earth Science and Disaster Prevention sa Japan, ipinakita ng pag-uugnayan noong 2009 sa pagitan ng Bagyong Pepeng (Parma / T0917) at Bagyong Melor (T0918) ang mapaminsalang potensyal ng Fujiwhara Effect sa Pilipinas. Nanatiling halos hindi kumikilos si Pepeng sa ibabaw ng Luzon sa loob ng ilang araw dahil sa interaksiyon nito kay Melor, na nagresulta sa paulit-ulit na paglandfall sa Hilagang Luzon na nagdulot ng matagalang pag-ulan at matinding pagbaha. 

Ang hindi pangkaraniwang galaw na ito, kabilang ang bihirang paggalaw ni Pepeng pa-timog, ay direktang epekto ng Fujiwhara Effect. Bagama’t 80% ng Metro Manila ang lumubog sa baha sa panahong ito, ang matinding pagbaha ay pangunahing dulot ng Bagyong Ondoy (T0916) na tumama bago si Pepeng. Ang interaksiyon nina Pepeng at Melor ay nagpalala at nagpahaba sa epekto ng bagyo sa Luzon bago tuluyang humina at ma-absorb si Pepeng.

Paano Mag-iinteraksiyon sina Dante at Emong?

Sa kasalukuyan, may dalawang aktibong sistema sa Pilipinas: si Tropical Storm Dante, na mas malakas at mas malawak ang sirkulasyon, at si Tropical Depression Emong.

Ayon sa Pagasa, dahil sa kanilang relatibong lapit sa isa’t isa, posible umanong maantala ni Bagyong Dante ang diretsong paglabas ni Emong sa PAR. Sa halip na tuluyang makalabas, matutulak ni Dante si Emong pa-timog sa oras na magsimula ang kanilang interaksiyon.

Kapag tuluyan nang nakalabas ng PAR si Dante at kumilos papunta sa silangang bahagi ng China, saka pa lamang makakakilos si Emong palabas. Maaring sundan niya si Dante, depende sa bilis at direksyon ng galaw ng bawat sistema.

Habagat at Iba pang Panahon ng Pag-ulan

Samantala, may isa pang Low Pressure Area (LPA) na mino-monitor sa labas ng PAR. Dahil dito, posibleng lumakas ang Habagat (Southwest Monsoon) sa mga susunod na araw. Kahit bumaba ang tiyansa na magkaroon ng panibagong bagyo matapos ang Bagyong Emong, magpapatuloy pa rin ang pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa dahil sa hatak ng hanging habagat.

Paalala

Patuloy ang paalala ng Pagasa sa publiko at mga LGU na maging alerto sa posibleng epekto ng pag-ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa, lalo na sa mga lugar na paulit-ulit nang binabaha nitong mga nakaraang linggo.

Magsubaybay sa opisyal na bulletin ng Pagasa at local DRRM offices para sa pinakabagong update sa panahon.

Para sa impormasyon tungkol sa mga hazard sa inyong lugar, maaari ninyong bisitahin ang noah.up.edu.ph website o i-download ang kanilang mobile app. Para naman sa pag-uulat ng mga insidente, magreport lamang sa app.lyfsaver.ph. — fyt.ph